Pagsusuri ‒ Bob Ong at RJ Ledesma

Angel Collado
4 min readApr 11, 2021

--

Mga banat ang mapapansin na tumulong na padaluyin ang mga akda ni RJ Ledesma at Bob Ong. Marahil ay kinalakihan na nating mga Pilipino ang ganitong istilo ng kwela, yung tipong mga hirit na babasag sa kalagitnaan ng isang seryosong usapan. Sa mga palabas sa telebisyon ay matagal itong naging uso. Dahil dito, ako ay na-enganyo magbasa kahit hindi ko personal na naranasan ang kanilang mga ibinahaging kwento.

Sa “I Do or I Die” ni RJ Ledesma ay mababasa ang kanyang karanasan patungo sa buhay may asawa. Ibinahagi niya ang bawat hakbang na tinahak nilang mag-asawa upang marating ang kanilang kinaroroonan. Malinaw niya itong ikinuwento sa pamamagitan ng chronological structure.

Sa kanyang pagsasalaysay ay maiinggit ang sino mang magbabasa. Hihiling na makita na rin nila ang tamang tao na magiging kasama nila hanggang pagtanda. Tunay na kikiliti sa mga damdamin ng tao ang pag-iibigan ni Ledesma at ng kanyang irog. Kahit hindi ka mahilig sa mga romantikong bagay ay mararamdaman mo ang mga paro-paro na pumalibot sa mag-asawa mula sa kanilang engagement hanggang kasal. Sila pa ang magkasintahan na mapapanood mo sa mga pelikula kung saan ang isa sa kanila ay bibo at hindi ganoon iniisip ang pag-aaral tapos ang isa naman ay mahilig magsunog ng kilay at matapang.

Ngunit hinding-hindi mawawala ang mga taong hindi pa rin nanaising magpakasal kahit anong kilig ang kanilang naramdaman habang nagbabasa. Kahit na napakagaan ng mood ng buong akda dahil sa kilig na dala nito ay makikita pa rin ang ilang downside ng pagpapakasal. Isa na lamang ang gastusin na kailangang isipin. At dahil nga nais ng mga tao na espesyal ang bawat sandali, ito ay pinagpaplanuhang mabuti. Kung saan ka luluhod, kung ano ang iyong gimik bago lumuhod, kung ano ang itsura ng singsing. Iba pang usapan ang totoong kasal. Kahit na anong liit o laki ng seremonya ay maglalabas ka ng pera. Banggitin na rin natin ang mga kamag-anak ng iyong mapapangasawa. Tila ba sila ang gagastos nang pagkalaki kung makasabat sa mga plano niyo sa hinaharap.

Lahat ng ito ay parang balewala lamang sa kuwento. Marahil ito ang sinasabi ng karamihan, “Para sa ngalan ng pag-ibig.” Ang kilig ay patindi nang patinda sa pagdating ng kanilang kasal at lahat ng ‘di kanais-nais na bagay ay makakalimutan mo na. Saktong-sakto ang timpla na ginawa ni Ledesma ng kilig at kuwento. Kabaligtaran naman ang makikita sa akda ni Bob Ong na “Stainless Longganisa”. Para sa akin ay mas pansin ang mga banat o mas tamang tawagin na pamimilisopo ni Ong sa kanyang akda. Sa totoo lang hanggang ngayon hindi ko pa rin masyadong ma-digest ang nais niyang iparating sa excerpt na aking binasa.

Hindi gaya ng akda ni Ledesma, ang akda ni Ong ay magulo at hindi sunod-sunod ang pagkakasalaysay. Ito ang tinatawag nilang mosaic structure. Marami iba’t ibang naratibo ang kanyang pinagdugtong upang buoin ang isang malaking larawan sa kanyang isip. Mapapansin ang pagbanggit niya ng deodorant, computer, IQ at marami pang iba. Sa dami niyang kwentong nabanggit, maaaring naging dahilan na rin ito para malito ang kanyang mga mangbabasa at isa na ako sa mga ito.

Sa excerpt na binasa ay makikita halos na parang kabinet na gawa sa salamin ang humor ni Ong. Halimbawa na lamang nang binanggit niya ang iba’t ibang IQ scores ng mga sikat na propesyon at isiningit niya na “At mga tagasubaybay ni Bob Ong, 152…pero idi-divide pa yan sa kanilang lahat.” Meron ding pagkakataon na gagamit siya ng self-diss kagaya ng kanyang sinabi ni “isang porsyento lang daw kami na may IQ na higit 135, at isa na naman ay sinungaling pa.” Ganito ang naging paraan ni Ong para ipakilala ang kanyang sarili bilang isang manunulat at kanyang istilo ng pagsusulat. Bilang isang ABM student, naging interesado akong maigi sa kanyang diskuro sa halaga ng kanyang mga libro. Bihira na siguro sa modernong panahon na pinaghaharian ng mga mukhang pera ang isang katulad niya. Ang tinuturing lamang niyang komoditi ay ang kanyang pagsusulat at hindi ang kanyang buong pagkatao. Siguro isa na rin ito sa mga dahilan kung bakit hindi siya nagpapakita ng mukha sa publiko.

Hindi ko man ganoong na-enjoy ang humor ni Ong, isang dahilan siguro dito ang aming pagkakaiba ng edad, ay masasabi kong makabuluhan ang kanyang akda. Ang pagkakasulat niya ay kakaiba at angat sa ibang mga manunulat. Ang mga akda niya ay tunay na malikhain na nakatulong pang pagandahin at payamanin ang kanyang mga kuwentong pangkaraniwang tao.

Kapansin-pansin ang pagkakaiba ng gamit ng komiko sa dalawang magkaibang akda. Si Ledesma ay ginamit ito sa paraang mapapadali ang kanyang mga mangbabasa na unawain ang kanyang sinulat. Sa kabilang dako naman, ginamit ni Ong ito upang mas gawing makabuluhan ang kanyang sinulat at ang kanyang mga mangbabasa ay mapapaisip nang malalim kung ano ba talaga ang nais niyang iparating. Tunay akong namangha sa abilidad ng mga manunulat sa parehong genre na gamitin ang komiko ngunit sa magkaibang paraan.

--

--

Angel Collado
Angel Collado

Written by Angel Collado

perhaps i’m stronger than i think

No responses yet