Online Journal 4: Pagsusuri sa ‘Walang Kalabaw sa Cubao’ ni Acosta at ‘The Gods We Worship Live Next Door’ ni Santos

Angel Collado
5 min readNov 27, 2020

--

Mula pagkabata ay kabilang na ako lagi sa mga grupong lumalaban ng sabayang pagbigkas. Ngunit sa kabila nito ay hirap pa rin akong umunwa nang lubos ng mga tula . Halimbawa na lamang ay ang dalawang tula na “Walang Kalabaw sa Cubao” at “The Gods We Worship LIve Next Door” dahil parehong gumamit ito ng mga simbolo at talinhaga na kailangan ng malalim na pag-intindi upang tunay na mahinuha ang mensahe nito.

Sa “Walang Kalabaw sa Cubao” ay para kang namamasyal sa Cubao sa tulong ng paglalarawan ng persona — na tiyak at kabisado ang bawat sulok ng lugar na ito. Maaaring mismong si Acosta ang nagsasalita at nagnanais kausapin ang mga mambabasa upang imulat ang mga mata natin ngunit maaari rin namang isang lokal na taga-Cubao ang enitdad na binuo ni Acosta para mas lubos tayong malubog sa buhay sa lungsod na ito nang mas madaling intindihin ang tula.

Tunay nga na ang sentral na metapor ng tula ay umikot sa Cubao ngunit hindi ako makakaayon na nakatulong ang organic unity na taglay ng tula upang mapadali ang pag-intindi rito. Oo, bawat taludtod ay lumalarawan sa iba’t ibang bagay na matatagpuan sa Cubao ngunit sa dahilang din ito naging magulo kung ano ba talaga ang nais pagtuunan ng pansin ang manunulat. Ang pokus ba ay ang mga maliliit na bagay sa Cubao o ang Cubao bilang isang lungsod mismo sa pamamagitan ng mga maliliit na bagay na ito?

Ang unang saknong ay kakikitaan halos lahat ng taludtod ng halimbawa ng metapora. Sa unang saknong ay direkta lamang na inilalarawan ang Fiesta Carnival — mayroon daw na kabayong baby blue, kubang Tyrannosaurus Rex, sa magkabilang dulo ay ang Goldilocks at showroom ng Automatic Center, at ang Tamaraw FX na ngayon ay pastol ng mga kolorum na dispatser. Tinukoy naman ng pangalawang saknong ang mga dispatser na tinukoy sa unang saknong. Itinala ang pangkaraniwang buhay nila sa Cubao — mula sa kanilang pagkakakilanlan, tinitirahan, at paraan upang mabuhay — gamit lang din ang mga metapora. Subalit sa parehong saknong ay makikita rin ang paggamit ng manunulat ng sinekdoke at personipikasyon. May mas malalim pang ibig sabihin ang langibing pusod. Hindi lamang ito basta isang pusod kundi populasyon ng katauhan — grupo ng mga paslit. Ang matris ng isang babae ay maituturing na pinakasensitibong parte ng kanyang katawang at gaya na lamang ng sa tula, ginamit ito upang mas bigyan ang kahulugan ng estero. Ang mga paslit sa Cubao ay kalat lalo na sa mga lugar na mapanganib para sa kanila tulad na lamang ng lilim sa Big Dome at sa tinatayong tulay ng MRT-2. Nagkaron din ng paggamit ng oksimoron sa huling tatlong taludtod ng pangalawang saknong. Mapapansin ang pagkakasalungat ang banal na amen at mga salitang tang ‘na ka at hindot. Tila ba nabasag din ang kabanalan na taglay ng mga pangalang ng mga santong nabanggit sa mga taludtod bago rito. Pahiwatig na kahit sa lugar na payapa dapat ay iba ang nakasanayan nila sa Cubao. Gamit ulit ang mga metapora, naipahayag ang matinding gutom na nararanasan ng mga paslit ng Cubao-inalmusal na rugby, tinanghaliang bilog, at hinapunang bilog. Dumating na tayo sa huling saknong at metapora pa rin ang ginamit ng manunulat upang bigyan ng pagtatapos ang tula. Cubao mismo ang kalabaw at sila ang nakadapong langaw.

Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin nito? Ang kalabaw ay kilala bilang pambansang hayop ng ating bansa. Ito ay sikat sa pagiging simbolo ng tiyaga, lakas at kahusayan. Ngunit sa kabila nito, ang kalabaw ay makupad. Paminsan pa nga ito ay nakatengga na lamang at nakatayo lang sa putik hanggang sa ito’y langawin na lamang. Marahil ito nga ang nais ipahayag ni Acosta. Inihalintulad niya ang Cubao sa kalabaw na puno ng potensyal — na umunlad at magpayaman — ngunit mabagal ang kilos nito.

Kung ang nais ng tula na ipakita ang paghahalintulad na ito, ako ay sang-ayon na naipaabot ang layunin ng tula. Ang mga tinuring na langaw sa Cubao ay mawawala lamang kung ito ay hahakbang patungo sa kaunlaran. Ngunit sa bagal ng pag-unlad nito, iba’t ibang uri na ng langaw ang pumepeste sa Cubao.

Pagdako naman sa tulang isinulat ni Bienvenido Santos, makikita ang kakaibihan nito mula sa unang tula na naglarawan ng isang lugar. Nakatulong ang organic unity ng tula upang madali at lubos na maintindihan ang mensahe ng tula. Ang The Gods We Worship Live Next Door ay umikot ang sentral na metapora sa mga taong inilagay sa pedestal ng kanilang mga kapwa tao. Ngunit ano nga ba ang dahilan bakit itinuturing silang parang mga Diyos?

Ang tula ay umikot sa personpikasyon at oksimoron ng mga diyos bilang mga pangkaraniwang tao. Ang mga kinikilala nating diyos ay hindi namamahay sa balat ng lupa. Sila ay naghahari sa mga ulap o langit pa nga kung tawagin. May mga diyos rin naman na nasa ilalim ng lupa namumuno. Ngunit ang mga binanggit na diyos sa tula ay kapantay lang ng mga pangkaraniwang tao. Sila raw ay namamahay sa mundong ibabaw tulad natin. Ang diyos din ay karaniwang inilalarawan bilang imortal at makapangyarihan. Ngunit sa tula ay nabanggit ang pagiging sakitin ng mga sinasamba nating diyos at ito pa nga ay nabanggit na pumanaw. Kung binigyang anyo bilang tao ang mga diyos na ito, ano ang nais iparating nito? Sa totoong buhay, tayong mga simpleng mamamayan ay sanay ang paglalagay sa mga taong makapangyarihan sa pedestal. Makita lamang natin ang isang tao na maraming pero ay tila ba diyos na natin kung ituring.

Hindi tulad ng Walang Kalabaw sa Cubao, ang The Gods We Worship LIve Next Door ay may natatanging bilang ang sukat ng taludtod. Lahat ng taludtod ay may sukat na sampung pantig maliban sa huling taludtod ng unang saknong na may siyam na pantig at ikalawang taludtod ng pangalawang saknong na may labingisa na pantig. Dahil hindi ako eksperto sa pagsaulo ng mga makabuluhang petsa sa kasaysayan, minarapat kong alamin kung ano ang maaaring maging kahulugan ng mga numerong 9 at 11. Alas! Ito ang kaarawan ng namayapang presidenteng Ferdinand Marcos. Tulad ng tula, maihahambing ang naging trato ng ibang mamamayan sa kanya at ng kanyang pamilya. Siya ay sinamba ng karamihan at milyon ang kumagat sa paing handog ng kanyang administrasyon — ang Martial Law. Sa kabila ng kanyang naging negatibong epekto sa bansa at maraming Pilipino, hanggang ngayon ay puno pa rin ng papuri ang ibang tao kapag siya ang pag-uusapan.

Parehong ang layunin ng dalawang tula — ang imulat sa katotohanan ang mga mata ng mga mambabasa. Naitawid ng magkaibang manunulat ang nais nilang mensahe sa pamamagitan ng mahusay na paggamit ng mga tayutay.

--

--

Angel Collado
Angel Collado

Written by Angel Collado

perhaps i’m stronger than i think

No responses yet