Online Journal 3: Pagsusuri sa Tula ni Amado V. Hernandez”

Angel Collado
3 min readOct 27, 2020

‘Lumuha ka, aking bayan” ang paulit-ulit na sabi ng persona na di tiyak kung kailang panahon ang pinanggalingan. Bakit? Dahil napakaraming pagkakataon na sa ating nakaraan ang napuno ng lumbay at takot — ang Inang Bayan at sambayanang Pilipino — mula sa iba’t ibang mga dayuhang binaboy ang ating kasarinlan. Ngunit tiyak na ang persona ay isang Pilipino na punong puno ng simpatiya para sa kanyang lupang tinubuan na naghihinagpis sa kamay ng mga dayuhan. Mula sa una hanggang dulo ng tula ay puno ng kombiksyon ang persona — kombiksyon na balang araw ay masasaid ang luha ng Bayang Inapi. Naniniwala siya na pagdating ng tamang panahon ay muling babangon ang Bayan at maibabalik ang ating kalayaan.

‘Di tulad ng mga huling tula na aking binasa, madali kong naunawaan ang “Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan” ni Amado V. Hernandez. Hamak na puno ng tugma at bantas ang mga saknong na sa tingin ko ay nakatulong upang mas madali ko itong mabasa at maunawan dahil may daloy ang tula at maayos na nakabuklod ang mga kaisipan.

Sa unang saknong ay pansin ang paggamit ni Hernandez ng end-stopped. Nagamit niya itong mabuti upang ilarawan ang kawawang kasalukuyan ng Bayan, maaaring kapalaran nito sa kamay ng mga dayuhan at kinabukasan na walang kalayaan at sariling pagkakakilanlan tulad ng nakaraan. Maliban sa tail-end rhymes na kita sa bawat dulo ng taludtod, makikita rin ang pag-uulit niya ng punong salita at pagtutugma sa isang taludtod o kilala rin nating sa tawag na internal rhyme.

Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha

Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:

Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,

Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,

Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,

Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,”

Ito ay nakatulong upang bigyang diin ang nangyayari sa Bayan. Naipakita nito ang determinasyon ng persona na mapagtanto ng Bayan ang masaklap na katotohanan ng kanyang nasasakupan sa kamay ng mga mapang-aping dayuhan.

Pagdating ng ikalawang saknong, ihinalintulad naman ng persona ang Bayan sa mga kilalang tauhan sa mga nobela na isinulat ni Rizal — si Huli na alipin at si Sisa na baliw. Binubulungan niya ng mga insulto ang Bayan hanggang sa ito ay sumabog sa galit. Naipakita ito ni Hernandez sa pamamagitan ng mga tugmang katinig na mahina sa bawat taludtod. Ang salita sa bawat taludtod ay nagtatapos sa -n at -ng. Ang tandang padamdam naman na kita sa huling salita ng saknong ay nagmistulang transition sa susunod na saknong. Ang sumunod na saknong ay kabaligtaran naman ng huling saknong. Ito ay ginamitan ni Hernandez ng mga tugma katinig na malakas — mga salitang nagtatapos -p, -g, -s, -d at -t. Dahil dito, malinaw na galit o inis ang persona, base sa madiin na ponema ng mga salitang pinili para sa tula, sa kadahilanang naghahari na ang mga dayuhan sa Bayan at nais niyang malaman ito ng Bayan.

Ang huling dalawang saknong ay pareho lamang ginamitan ng end-stopped at general rhymes ngunit magka-iba ang mensaheng nais iparating nito. Ang una ay nababalot ng pakikiramay sa puso ng Bayan na tuluyang natalo ang laban sa mga dayuhan at ang pangalawa naman ay umaapaw sa sabik na bumangon at ibalik ang alab ng puso ng Bayan.

Bawat salita at bantas sa poetic lines ng tula ni Hernandez ay pinag-isipang mabuti. Ito ay matagal nang isinulat ngunit maaari pa rin itong mailugar sa pangkasalukuyang panahon. Sa anyong isinulat ang tula ay nagmistulan itong parang sigaw ng paghihimagsik. Kung sino man ang makakabasa ng tula ay tiyak na magliliyab ang alab ng puso na napusok dulot ng ilang taon ng pandarayuhan na niranas ng ating Bayan.

--

--