Online Journal 2: Pagsusuri sa Tula ni Carlos Piocos

Angel Collado
3 min readOct 15, 2020

--

Marahil na sa unang basa ko sa tula ay hindi ko mawaring maigi kung ano ang nais iparating ng tula. “Bakit nakakapanindig balahibo ang dating ng tula? Sino nga ba ang nagsasalita at bakit ganoon ang tono niya?” Ilan lamang ito sa mga katanungang sumagi sa aking isipan habang ninanamnam ko ang nais iparating ng tula.

Pagkabasa pa lamang ng unang dalawang saknong ay isang bagay na agad ang pumasok sa aking isipan — pagpanaw. Nilibot nang mabuti ng tula ang paksa ng pagpanaw. “Marahil ito na ang aking huling liham” dito pa lamang ay maaari nang mahinuha na patungkol ang tula sa kamatayan. Ngunit panibagong tanong na naman ang umusbong, “Ano ang dahilan ng kamatayan?

Upang lubos na maintindihan ang aking mga katanungan, minarapat ko lamang na magsaliksik kahit papaano tungkol sa manunulat ng tula na si Carlos M. Piocos III. Siya ay nagtuturo hanggang sa kasalukuyan at kung ang persona sa tula ay papanaw, maaari nating isipin na hindi talaga si Piocos ang entidad na nagsasalita sa tula kundi isang persona lamang.

“Bukod sa pangalan, lagda at lunan, kalakip ng sulat na ito ang lahat ng aking mga pangkaraniwang lungkot: lukot-lukot na ulap, isang itim na balahibo ng uwak, isang pinggang may pingas sa labi, larawan ng matandang simbahan, tatlong itinuping bulaklak, at isang pares ng natuyong pakpak ng paruparo. Ito na lamang ang naiwan,at ang lahat ng ito’y ipinauubaya ko na sa iyo.“

Mga pangkaraniwang lungkot” ito ay nabanggit sa pangalawang saknong. Ito rin mismo ang pamagat ng tula. Maaaring ang pariralang ito ay may malaking gampanin upang maintindihan ang tema ng tula. Ang mga sumunod na detalye sa pariralang ito ay tila ba nagbibigay rin ng mas malaming na kahulugan. Mga kahulugan na tumutukoy sa sitwasyong hinaharap ng persona. Pagkabasa ng mga detalye sa saknong ay katandaan agad ang aking naisip. Ang mga nabanggit ay sinusuportahan ang katandaan tulad na lamang ng lukot-lukot na ulap bilang simbolo ng pagbagal ng oras habang tumatanda, natuyong pakpak ng paruparo nilang simbolo ng namatay nang kabataan sa kanyang katawan at itim na uwak bilang simbolo ng nalalapit nang kamatayan.

Mula dito, matitiyak na ang persona ay isang matanda nang nalalapit sa kanyang kamatayan. At sa tulang ito, ipanakita ang kanyang perspektibo. Sinalamin ng kanyang kapalaran ang tunay na anyo ng sangkatauhan — may hangganan ang buhay ng mga tao — at ito ang katotohanan ng buhay sa daigdig.

Sa pagdating ng hangganan ay hindi maiiwasang isipin ang mga nagdaang taon. Sumesentro ang isipan sa tanong na “Kamusta ako?” Palaging andoon ang pagtataka kung naging makabuluhan ba ang iyong panunuluyan sa mundo. At para malaman ito, kakamustahin mo ang mga taong nakapalibot sa’yo nang ilang taon at sa ganitong anyo isinulat ni Piocos ang tula. Nagmistulang parang liham para sa isang malapit sa pusong kaibigan ang tula. Kung anong laman ng liham ay gayoon din ang laman ng tula. Meron itong kumustahan, kwento, bilin at paalam.

Iyon laman naman at nawa’y nasa mabuti kang kalagayan. Nawa’y naramdaman mo ang nakapapasong halik na nagtikom sa sobreng ito, bago mamaalam,

Bago ang nagmamahal o lubos na gumagalang,

Bago matapos ang lahat sa iisang pangalan.

Sa kabila ng kalagayan ng persona, nais niyang siya ay matandaan at maramdaman hanggang sa huli ng taong kanyang sinulatan. Nandoon ang kanyang pangamba na siya ay madaling makakalimutan ng mga taong minamahal niya at marahil ito nga ay dahil na ang kanyang kamatayan ay maituturing na pangkaraniwang kapalaran ng isang tao sa mundong ibabaw — isisilang, tatanda, at mamamatay. Dahil sa anyo na isinulat niya ang kanyang mensahe, malaki ang posibilidad na siya ay tumatak sa isip at damdamin ng tatanggap tulad na lamang ng kanyang nais.

Hindi ko maitatanggi na sa unang basa ay naging malabo ang mensaheng nais iparating ni Piocos. Ngunit masasabi ko na naintindihan ko itong mas higit nang aking sinubok na tukuyin ang paksa, tema at persona ng tula. Sa tulong ng tatlong elementong ng simpleng tula ito ay nagkaroon ng mas makabuluhang kahulugan at halaga. Nagpakita ang mga ito ng mas malalim na tingin sa pangkaraniwang lungkot na dulot ng palapit na hangganan ng buhay.

--

--