Online Journal 1: Repleksyon sa Tula ni Jess Santiago

Angel Collado
2 min readOct 8, 2020

--

Ang mapait na buhay ay nagiging matabang tulad ng “isang taling kangkong” o “isang bungkos ng mga talbos ng kamote” dahil “malaon nang pinamanhid ng dalita ang panlasa”.

Sa bansang patuloy ang pag-unlad ng lipunan, hindi mawawala ang mga taong hirap sumabay at hikahos sa buhay. Hindi maaaring lahat ng tao ay nakakasabay sa hindi natatapos na pabago-bagong paraan ng pamumuhay na dulot ng modernisasyon ng ating bansa. Hindi dahil sa sila ay kulang sa sipag at tiyaga kundi marahil sila ay hindi lamang talaga nabibigyan ng oportunidad na umahon mula sa kahirapan. Ang gobyerno natin ay patuloy na nawawalan ng simpatya sa mga taong tunay na nangangailangan. Umaabot na ito sa punto na namamanhid na hindi lamang ang mahihirap kundi pati na rin ang mga taong may kakayanang tumulong sa mga nangangailangan. Naging normal nang tanawin sa telebisyon o kahit sa totoong buhay ang kahirapan na kung tutuusin ay dapat magdala ng pangamba sa bawat Pilipino dahil tungkulin nating magkaroon ng pake sa kapwa natin.

Dahil maituturing na salamin ng realidad ng buhay ang panitikan, paksa ng maraming artikulo, kwento, kanta at marami pang iba ang tunay na sitwasyon sa ating lipunang kinabibilangan. At hindi ganoong kadaling tanggapin na sa milyon-milyong populasyon ng Pilipinas, nabubuhay ka bilang isang maralita. Parte ka na ng kasaysayan na hindi maaaring mabago sapagkat habangbuhay na itong nakatala sa maraming akda. Maaari mo lang ito mabigyan ng bagong kabanata ang mga akda kung ikaw ay makakaahon sa kahirapan. Sa kabilang banda, maaari din namang dalhin tayo ng mga akda sa lugar na hindi natin kinabibilangan — ang pantasya. Ngunit mahirap mangarap ng magarbong buhay dahil sa dulo ng araw ay tatama lang din sa’yo ang realidad hangga’t mawalan ka na ng pag-asa kung kaya mo ba talaga umahon sa hirap.

Sa kabuuan, mas nanaisin pa ng isang maralita na patuloy niyang maranasan ang pamamanhid na dulot ng kahirapan dahil ito na ang kanyang nakasanayan kaysa magbasa ng ilang salita na magdadala lamang ng kirot sa kanyang pusong bato. Naipahayag na malinaw ng tula na dapat ang mga makata ay maalam pumukaw ng damdamin kahit pa ang isang tao ay manhid na ang damdamin at isipan. Marapat lamang na ito ay nagsasaad ng katotohanan kahit gaano pa kasakit ang nilalaman nito. Dapat ay tumatak ito hindi lamang sa puso kundi pati na rin sa isipan.

--

--

Angel Collado
Angel Collado

Written by Angel Collado

perhaps i’m stronger than i think

No responses yet