CNF Online Journal 2: Analysis of Wilfredo Pascual’s “Animalia”

Angel Collado
4 min readMar 19, 2021

--

Kung tatanungin, hindi talaga ako mahilig magbasa. Maikli kasi ang aking attention span ko kaya hirap akong magbasa. Hindi rin kasi ganoon kalawak ang aking bokabularyo kaya hindi malaki ang aking tiwala sa sarili na maiintindihan ko nang lubos ang isang akda. Alam ko na ang babaw ng aking mga rason na nagmumukhang tamad lang talaga ako magbasa. Marahil isa lang talaga ako sa mga taong hindi nabiyayaan ng hilig sa pagbabasa. Ngunit masasabi ko na ang Animalia ni Wilfredo Pascual ay hindi nakakabagot basahin.

Ang Animalia ni Wilfredo Pascual ay binubuo ng napakarami niyang engkwentro sa mga hayop na ikinonekta niya sa kanyang buhay. Sa paraang ito, sinubukan niyang ipakita na ang buhay ng tao ay hindi gaanong nalalayo sa buhay ng mga hayop. Kahit nakakatuwang basahin ang kanyang akda dahil sino nga ba naman ang mag-aakalang halos pareho ng takbo ng buhay tayong mga hayop at tao ay hindi ko maitatangging nahirapan pa rin akong intindihan ang ilan sa kanyang mga karansan dahil kailanman ay hindi ko pa nararanasan ang mga bagay na ito sa aking buhay.

Natuwa ako na hindi masyadong ginamitan ng mabubulaklak na salita ni Pascual ang kanyang akda dahil nakatulong ito upang intindihan ang kanyang mga naratibo. Nagmistulang parang isang kaibigan lamang na nagkukwento ang dating ng kanyang sinulat na. Ngunit kahit ganto ito, naging obhektibo pa rin ang daloy ng kwento. Oo, siya ay nagsalaysay ng mga personal niyang karanasan ngunit hindi niya ito hinaluan ng matinding emosyon. Ibinahagi niya lang ang kanyang mga karanasan nang diretso at tapat.

Dahill siya nga ay nagkokonekta ng mga personal niyang karanasan, minarapat na lamang din niyang ginamitan ang akda ng First Person POV. Tila ba hinayaan tayong mga mangbabasa ni Pascual na tingnan ang kanyang talaarawan. Pagkatapos ay nagbahagi siya ng kanyang pananaw sa buhay na binase niya sa kanyang mga engkwentro sa mga hayop. Ngunit kahit ang layunin niya ay maipaghambing ang dalawang magkaibang bagay — ang hayop at ang katauhan — hindi tuwirang nakasaad ang nais niyang iparating. Inilahad niya ang ideya na nais niyang makita ng kanyang mga mambabasa ngunit binigay niya pa rin sa atin ang tungkuling palalimin ang pagkakaintindi dito.

Sa tulong ng kanyang mga karanasan ay tila ba ay napabilib ako na baka nga hindi talaga nagkakalayo ang buhay nating mga hayop at tao. Magkaiba tayo ng anyo at kalikasan ngunit isa pa rin tayo ng mundong ginagalawan. Sa tingin ko ay marahil ito ang dahilan kung bakit nagkakatugma ang ilan sa ating mga karanasan. Sa mga anekdotang ibinahagi ni Pascual ay kitang kita ang nakaraan na kanyang pinagdaanan, mula sa kanyang pagiging bata, binata at gurang. Sa bawat yugto ng kanyang buhay ay may bago siyang natutunan sa kanyang sarili o kaya naman panibagong pananaw na kabaligtaran ng kanyang nakasanayan.

Sinimulan niya ang kanyang akda sa mga paniki. Tulad ng mga ito, tayong lahat ay kailanman hindi matatahimik at mababaon na lamang sa limot. Lahat ng ating istorya ay may halaga tulad na lamang ng mga anekdotang isinaad ni Pascual. Sunod naman ay hinambing niya ang kanyang identidad sa isang transgendred tilapia. Sa parteng ito ng kanyang akda ay naipakita niya na tulad ng mga isdang ito, tayong mga tao ay humaharap din sa mga pagbabago na nakakatulong tukuyin ang ating mga sarili. Kasunod naman ang anekdotang kabilang ang mga insekto at elepante. Sa kanyang kwento, ang mga insekto ay lumalapit sa liwanag tulad na lamang niya na nabighani sa nakita niyang tanawin hangga’t hindi niya napansin nasa pagitan na pala siya ng panganib ng mga elepante. Paakyat pa lamang si Pascual ng rurok ng nakakasilaw niyang kinabukasan at dahil dito imposibleng wala siyang mahaharap na mabibigat na pagsubok. Lahat ng tao ay mararanasan ito‒ang mabulag sa kinang ng tagumpay na at makalimutan ang mga salik na maaaring humarang sa atin para abutin ito. Isununod naman niya ang pagkumpara ng mga aso sa nakakasulasok na asal ng mga taong nakapaligid sa kanya. Kung gaano kanormal ang pagkatay sa mga aso ng kanyang ama ay ganon din kanormal ang pagdispatya ng mga tao.. Sa anekdota ding ito ay naibahagi ni Pascual ang relasyon na mayroon siya sa kanyang tatay. Ang dalawa namang sumunod na hayop ay may kaugnayan sa kanyang pagbabalik tanaw sa kanyang nakaraan. Siya ay may trabaho na at kaya na niyang buhayin ang sarili ngunit iba pa rin ang piling ng iyong sariling tahanan. Tulad ng mga pagong at kalapati, kahit anong gawin mo ay babalik at babalik tayong mga nilalang sa ating mga pinanggalingan. Ang aye-aye naman ang nagpakita ng tapang nating mga tao sa na harapin ang isang mundong walang katiyakan. At sa huli, ikinuwento niya ang mga itlog ng palakang dati niyang kinakain na hinuli para sa kanya ng kanyang ama. Dito muling pinakita na kahit anong sama ng loob ang mayroon tayo sa isang tao, hindi mawawala ang pagtanaw natin sa mga ala-alang sila ay kasama dahil habang buhay silang parte ng ating pagkatao.

Napakagandang paghahalintulad ang ginawa ni Pascual. Ako ay bilib na sa mga simple niyang karanasan sa buhay ay napatunayan niya ang pagkakaugnay nating mga hayop at tao. Siguro nga maituturing din tayong mga hayop. Nagkataon lamang na iba ang ating anyo at pag-iisip. =

--

--